MGA TAMPOK MULA SA ADYENDA NI JOE BIDEN PARA SA KOMUNIDAD NG MGA ASIAN AMERICAN AT PACIFIC ISLANDER
Alam ni Bise Presidente Joe Biden na ang komunidad ng mga Asian American at Pacific Islander (AAPI) ay isang mahalagang kabanata ng kuwento ng Amerika. Noon pa'y mas matibay tayo dahil sa kakayahan ng ating bansa na makakuha ng masisikap na tao mula sa bawat kultura at bawat bansa. Ang mga matapang at progresibong ideya ay ginawang mga kongkretong resulta ni Joe para sa komunidad ng AAPI bilang Bise Presidente at Senador. Bilang Bise Presidente, nakipagtulungan si Joe kay Presidente Obama para maipasa ang makasaysayang Affordable Care Act (Batas sa Abot-Kayang Pangangalaga), na nagbibigay ng insurance sa kalusugan sa karagdagang 20 milyong tao, kabilang ang dalawang milyong AAPI, sa pagtatapos ng termino nina Presidente Obama at Bise Presidente Biden. Itinatag din muli ng Administrasyong Obama-Biden ang Inisyatiba ng White House sa Mga Asian American at Pacific Islander para mapabuti ang mga buhay ng mga AAPI sa Estados Unidos sa pamamagitan ng mga pederal na programa, koordinasyon ng iba't ibang ahensiya, at pakikipag-ugnayan sa mga kabahaging AAPI. At, tumulong si Joe para masigurado ang mga boto para maihatid ang matagal nang hinihintay na pagbabayad ng kompensasyon para sa ating mga Filipino-American na beterano noong World War II.
Alam ni Joe na nakikipaglaban tayo para sa diwa ng Amerika. Kailangan ng ating bansa ng moral na pamumuno at nakakapagkaisang lakas sa White House, sa halip na gumawa ng hidwaan, para labanan ang pagkamuhi at kawalan ng katarungan. Bilang presidente, ipagpapatuloy ni Joe ang kaniyang buong-buhay na pagtataya para tiyaking ang bawat miyembro ng komunidad ng mga AAPI ay pinakikitunguhan nang may dignidad—anuman ang kanilang lahi o etnisidad—at may patas na oportunidad sa American Dream. Siya ay/Kaniyang:
Maglulunsad ng desididong pampublikong kalusugan at pang-ekonomiyang tugon sa COVID-19. Kailangan natin ng desididong pampublikong kalusugang tugon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at magbigay ng paggamot sa mga nangangailangan—pati na rin ng desididong pang-ekonomiyang tugon na naghahatid ng tunay na tulong sa mga AAPI na manggagawa, pamilya, at maliliit na negosyo, at pumoprotekta sa buong ekonomiya. Titiyakin ni Joe ang access sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpaparami ng pagsusuri; pagtiyak na walang babayaran ang lahat ng indibidwal para sa pagsusuri, paggamot, at anumang darating na bakuna para sa COVID-19 anuman ang katayuan ng insurance o imigrasyon; pagkolekta ng mga datos ukol sa lahi, kasarian, at etnisidad na may kinalaman sa pagsusuri at paggamot upang matukoy at matugunan natin ang mga pagkakaiba; at pagbubukas ng bagong panahon para sa pagpapatala sa Obamacare upang makakuha nito ang mga AAPI na may kailangan ng insurance.
Poprotektahan niya ang mga manggagawang AAPI na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pamprotektang kagamitang kailangan nila para mabawasan ang panganib na mahawahan sila ng virus; pagpapairal at pagpapatupad ng mga pamantayan para mapanatiling ligtas ang lahat ng manggagawang AAPI sa harapan ng laban at matiyak na protektado ang kanilang mga karapatang sibil; at pagpapataas ng sahod ng mga esensiyal na manggagawang AAPI. Ilalaan din ni Joe ang kalahati ng lahat ng bagong pondo ng Paycheck Protection Program (Programa sa Proteksiyon sa Sahod) para sa maliliit na negosyong may 50 empleyado o mas kaunti, papahintulutan ang mas malalaking loan na magbibigay-daan sa mga nangangailangang maliit na negosyo na patuloy na mabigyan ng sahod ang mga manggagawa at mabayaran ang mga takdang gastos, at magbibigay ng garantiyang makakakuha ng tulong ang bawat kwalipikadong maliit na negosyo ng AAPI. At, bubuo siya ng lingguhang dashboard para ipakita kung aling maliliit na negosyo ang kumukuha ng loan—upang masigurong hindi napag-iiwanan ng programa ang mga komunidad, mga negosyong pagmamay-ari ng minoridad at kababaihan, o mga pinakamaliliit na negosyo. Tinitiyak ng walong puntong plano ni Joe para sa mas malakas, mas ligtas, at mas mabisang muling pagbubukas na pinoprotektahan natin ang mga Amerikano, lalo na ang mga pinakananganganib, habang pinapanumbalik ang kumpiyansa ng mga mamimili at itinatatag ang pundasyon para sa ekonomiyang mainam para sa lahat.
Simula noong lumaganap ang COVID-19, nakarinig tayo ng dumaraming ulat tungkol sa pagpuntirya nang may pagkamuhi sa komunidad ng mga Asian American. Dapat tumigil na ang mga rasistang gawaing ito. Nagmumula ito sa masama at ignoranteng udyok, na may dalang panganib. Hindi tayo ganito bilang isang bansa. Walang dapat pinupuntirya dahil sa kung ano ang hitsura nila, kung saan galing ang kanilang mga ninuno, o kung sino sila. Magbibigay si Joe ng pamumunong kinakailangan natin para matugunan ang bawat aspekto ng pandemyang ito—kasama ang silakbo ng mga insidente ng rasismo na pumupuntirya sa mga Asian American—nang may maagap at seryosong aksiyon.
Iaangat ang Boses ng mga AAPI at Palalakasin ang Representasyon ng mga AAPI sa Pamahalaan. Nagtalaga ang Administrasyong Obama-Biden ng mas maraming AAPI na huwes kumpara sa lahat ng naunang administrasyon sa kabuuan, at hinikayat nito ang pagkuha ng mga AAPI sa mga nakatataas na posisyon ng kawani. Magmumungkahi at magtatalaga si Joe ng mga pederal na opisyal at huwes na sasalamin sa buong Amerika, kasama ang mga AAPI na indibidwal. Gagamitin niyang pundasyon ang Inisyatiba sa mga AAPI ng Administrasyong Obama-Biden at Tagapayong Komisyon sa mga AAPI ng Presidente upang matiyak na isinasaalang-alang ng mga pederal na ahensiya ang komunidad ng mga AAPI sa disenyo at pagpapairal ng mga pederal na programa, at na may boses ang mga lider ng komunidad ng mga AAPI sa Administrasyong Biden. Alam niya rin kung paano isama ang mga pangunahing kabahagi upang matiyak na ang mga komunidad na apektado ng mga patakaran ay magiging mahalagang bahagi ng proseso ng paggawa ng desisyon. Ganito rin ang gagawin niya sa komunidad ng mga Native Hawaiian at Pacific Islander (NHPI) sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Pacific Island Task Force, na itinatag ng Administrasyong Obama-Biden.
Poprotektahan at Patatatagin ang Affordable Care Act. Kadalasang humaharap ang maraming AAPI sa mga hadlang sa wika at kultura na nakakabawas sa kanilang access sa pangangalagang pangkalusugan. Naniniwala si Joe na ang bawat Amerikano ay dapat may access sa abot-kaya at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan at ipagtatanggol niya ang mga proteksiyon sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng tao. Magbibigay siya sa mga Amerikano ng bagong mapagpipilian para makabili ng pampublikong opsiyon sa insurance sa kalusugan tulad ng Medicare. Maninindigan siya laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga korporasyon sa resetang gamot. At, paparamihin niya ang mga pagsisikap para matiyak ang pagpapatupad ng mga batas sa pagkakapantay-pantay sa kalusugan ng pag-iisip at palalawakin niya ang pondo para sa mga serbisyo sa kalusugan ng pag-iisip. Dodoblehin din ni Joe ang pederal na pamumuhunan sa mga sentrong pangkalusugan ng komunidad, na magpapalawak ng access sa de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa mga populasyon ng AAPI na lubos na may kailangan ito. Pahuhusayin niya ang pangangalaga para sa mga AAPI na pasyente na may hindi gumagaling na kondisyon sa pamamagitan ng pag-ugnay sa lahat ng doktor ng pasyente at pagtugon sa mga panlipunang pantukoy ng kalusugan. At, papalawakin ni Joe ang access sa pangangalaga sa reproductive health, kabilang ang kontrasepsiyon at pagprotekta sa konstitusyonal na karapatang pumili.
Mamumuhunan sa ating mga Mag-aaral at Tagapagturo. Napakaraming magulang sa komunidad ng mga AAPI ang walang access sa mga mapagkukunan at suporta na kailangan nila para matiyak na magtatagumpay ang kanilang mga anak. Magpupundar si Joe para sa lahat ng bata mula pagkasilang hanggang ika-12 baitang upang maging handa silang magtagumpay sa ekonomiya sa hinaharap, anuman ang kanilang zip code, kita ng magulang, lahi, o kapansanan. Bilang presidente, magbibigay si Joe ng de-kalidad at pangkalahatang pre-kindergarten para sa lahat ng tatlo at apat na taong gulang na bata. Titriplehin niya ang pagpopondo para sa Title I, na napupunta sa mga paaralang nagsisilbi sa malaking bilang ng mga bata mula sa mga pamilyang may mababang kita. Ang bagong pagpopondong ito ay unang gagamitin upang matiyak na ang mga guro sa mga Title I na paaralan ay nabibigyan ng kumpetitibong sahod, ang mga tatlo at apat na taong gulang na bata ay may access sa pre-school, at nagbibigay ang mga distrito ng access sa masinsinang gawaing pangkurso sa lahat ng kanilang paaralan. Bubuuin din niya ang mga pinakamahusay at pinakamakabagong paaralan sa bansa sa mga komunidad ng mga AAPI na walang access sa mga de-kalidad na paaralan, iba pang komunidad ng mga hindi caucasian, at mga komunidad na may mababang kita; papalawakin ang modelo ng paaralan sa komunidad, na magdadala ng kinakailangang suporta para sa mga mag-aaral at magulang sa ating mga pampublikong paaralan; dodoblehin ang bilang ng mga propesyonal sa kalusugan ng pag-iisip sa ating mga paaralan; at poprotektahan ang mga mag-aaral na AAPI mula sa pambu-bully. Pagbubutihin niya ang pagkakaiba-iba ng mga guro sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga mas makabagong paraan ng pagkuha ng mga guro na hindi caucasian, at pakikipagtulungan sa mga insititusyong nagsisilbi sa minoridad, kasama ang mga institusyong nagsisilbi sa mga Asian American at Native American na Pacific Islander (AANAPISI), para kumuha at maghanda ng mga guro.
Susuportahan ang Edukasyon Pagkatapos ng High School. Gagawing libre ni Joe ang matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad para sa lahat ng mag-aaral na AAPI na mas mababa sa $125,000 ang kita ng pamilya. Magbibigay rin siya ng dalawang taon ng kolehiyo sa komunidad o iba pang de-kalidad na programa sa pagsasanay nang walang utang para sa sinumang nagsisikap na miyembro ng komunidad ng mga AAPI na naghahangad na matuto at mapahusay ang kanilang mga kasanayan para makasabay sa nagbabagong katangian ng pagtatrabaho. Dodoblehin din niya ang pinakamataas na halaga ng mga Pell grant, na magpapataas sa bilang ng mga middle-class na AAPI na maaaring makilahok sa programa at magpapataas sa halaga ng grant para sa mga indibidwal na kwalipikado na para sa Pell. At, hahatiin niya ang mga pagbabayad sa mga pederal na loan ng mga mag-aaral na undergraduate sa pamamagitan ng pagpapasimple at pagpapataas sa ibinibigay ng kasalukuyang programa sa muling pagbabayad na batay sa kita. Bukod pa rito, tatanggalin niya ang lahat ng pederal na pagkakautang ng mga mag-aaral na may kinalaman sa matrikula sa undergraduate na paaralan mula sa mga dalawa at apat na taon na pampublikong kolehiyo para sa mga may-utang na kumikita ng hanggang sa $125,000, kung saan kasama ang mga pribadong institusyon sa nagsisilbi sa minoridad. Gagawa rin si Joe na mga hakbang para iwasto ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa pagpopondo na kinakaharap ng mga institusyong nagsisilbi sa minoridad, kasama ang mga AANAPISI, upang mapakinabangan ng Estados Unidos ang kanilang mga bukod-tanging kalakasan.
Sasalungatin ang Pagdami ng Mga Krimen bunsod ng Pagkamuhi. Mula sa mga tindahan ng grocery hanggang sa mga lugar ng trabaho at simpleng pagkakabilang sa kanilang komunidad, maraming AAPI, kasama ang mga Sikh, Hindu, at Muslim American, ang patuloy na humaharap sa diskriminasyon at pagkamuhi, na lalong pinapalala ng mapanganib na retorika at pag-udyok ng pagkamuhi ni Trump. Kung nagiging banta ang pagkamuhi sa mga karapatan at kalayaan ng ilan, banta ito sa ating lahat. Idinagdag ng Administrasyong Obama-Biden ang "Anti-Sikh" at "Anti-Hindu" sa mga kategorya ng pag-uulat ng krimen bunsod ng pagkamuhi ng Departamento ng Katarungan. Nagbigay rin ang administrasyon ng mga mapagkukunan at nakipagtulungan ito sa mga lokal na lider para labanan ang pang-aaping nakadirekta sa komunidad ng mga AAPI. Lilinawin ni Joe na walang puwang ang pagkamuhi sa bansang ito. At, isasapriyoridad ng Departamento ng Katarungan ang pag-uusig sa mga krimen bunsod ng pagkamuhi.
Tatapusin ang Epidemya ng Armadong Karahasan. Nilabanan ni Joe ang National Rifle Association (NRA) sa pambansang entablado at nanalo siya—nang dalawang beses. Bilang presidente, tatalunin niyang muli ang NRA. Magpapatupad si Joe ng mga konstitusyonal at batayang patakaran sa kaligtasan sa baril. Poprotektahan niya ang ating mga pamilya, paaralan, at komunidad, sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga manufacturer ng baril; pag-aalis sa ating mga lansangan ng mga sandatang pandigma, kabilang ang pagbabawal sa pag-manufacture at pagbebenta ng mga sandatang pang-atake at high-capacity na magazine; at pagpapanatiling malayo ang mga baril sa masasamang kamay, kabilang ang pag-aatas ng mga pagsusuri sa background para sa lahat ng pagbebenta ng baril at pagsasara sa mga butas sa pederal na sistema ng pagsusuri sa background.
Poprotektahan ang ating Planeta laban sa Pagbabago ng Klima. Patuloy na nagiging banta ang krisis sa klima sa mga komunidad ng mga AAPI, partikular na sa komunidad ng mga NHPI. Ang ilang isla ay maaaring hindi na angkop tirhan pagdating ng 2030 kung hindi gagawa ng agarang aksiyon. Bukod pa rito, ang dalawang estadong may pinakamataas na porsiyento ng mga AAPI—ang Hawaii at California—ay patuloy na nasasapanganib mula sa pagbabago ng klima. Matagal nang nauunawaan ni Joe ang kalubhaan ng pagbabago ng klima at na may moral at ekonomikong pangangailangan para tugunan ito. Tutugunan ng plano ni Joe ang pagbabago ng klima at polusyon para protektahan ang ating mga komunidad. Muli niyang isasali ang bansa sa Paris Agreement sa unang araw pa lamang, at hihikayatin ang buong mundo na palakasin ang kanilang mga pagtataya para sa klima. Sa loob ng bansa, titiyakin niyang mauunang makinabang mula sa kanilang rebolusyon sa malinis na ekonomiya ang mga komunidad na napipinsala ng pagbabago ng klima at polusyon. Itataguyod niyang magkamit ang Estados Unidos ng 100 porsiyentong ekonomiya ng malinis na enerhiya at umabot ito sa kabuuang zero na emission bago lumipas ang 2050. Lilikha ang plano ni Joe ng 10 milyong trabaho na maganda ang sahod sa Estados Unidos at papanagutin nito ang mga nagsasanhi ng polusyon. Magsisikap siya upang matiyak na ang bawat miyembro ng komunidad ng mga AAPI ay may access sa malinis na inuming tubig, malinis na hangin, at kapaligirang malaya sa mga nakakapagdulot ng polusyon. At, ang bawat dolyar na ginagastos sa pagbubuong muli ng mga impraestruktura ay gagamitin upang pigilan, bawasan, at makayanan ang nagbabagong klima.
Sisiguruhin ang ating mga Pagpapahalaga bilang Bansa ng mga Imigrante. Nagtaguyod si Donald Trump ng walang tigil na pag-atake sa ating mga pagpapahalaga at ating kasaysayan bilang bansa ng mga imigrante. Mali ito, at magwawakas ito kapag si Joe ang presidente. Ipapawalang-bisa ni Joe ang "Muslim ban" o pagbabawal ni Trump sa mga Muslim sa unang araw pa lamang at iuurong ang mga mapaminsalang patakaran sa pagkakanlong na nagdudulot ng kaguluhan at krisis pantao sa ating hangganan. Agad na magsisimulang makipagtulungan si Joe sa Kongreso para magpasa ng reporma sa lehislatura ng imigrasyon na magpapamoderno sa ating sistema, na may priyoridad sa pagpapanatiling magkakasama ang mga pamilya sa pamamagitan ng paglalaan ng daan sa pagkamamamayan para sa halos 11 milyong hindi dokumentadong imigrante—kasama ang 1.7 milyon mula sa Asya.
Susuportahan niya ang imigrasyon ng pamilya at papanatilihin ang pagsasama-sama ng pamilya bilang pangunahing prinsipyo ng ating sistema ng imigrasyon, na kasama ang pagbabawas sa mga hindi tapos na gawain sa pagbibigay ng pampamilyang visa. Papataasin niya ang bilang ng mga iniaalok na visa para sa mga permanenteng pantrabahong imigrasyon batay sa mga kondisyon ng pangkalahatang ekonomiya at magiging malaya sa anumang limitasyon ang mga kamakailang nagtapos sa mga programa ng PhD sa mga larangan ng STEM. At, susuportahan niya unang-una ang pagreporma sa sistema ng pansamantalang visa para sa mga manggagawang may mataas na kasanayan at espesyalidad para protektahan ang mga sahod, at pagkatapos, ang pagpapalawak ng bilang ng mga iniaalok na visa at pag-alis sa mga limitasyon sa visa para sa trabaho ayon sa bansa. Ibabalik at ipagtatanggol niya ang proseso ng naturalisasyon para sa mga may hawak ng green card. At, papataasin niya ang bilang ng mga refugee na tinatanggap natin sa bansang ito sa pamamagitan ng pagtatakda ng target sa taunang pagpapapasok ng mga refugee sa buong mundo sa 125,000, at sisikaping pataasin pa ito sa paglipas ng panahon nang naaayon sa ating responsibilidad, ating mga pagpapahalaga, at sa napakalaking pandaigdigang pangangailangan. Makikipagtulungan siya sa Kongreso upang magtatag ng minimum na bilang ng mga pagpapapasok na 95,000 refugee taon-taon. Aalisin ni Joe ang kawalang-katiyakan para sa mga Dreamer sa pamamagitan ng pagbabalik sa programang DACA at paghahanap ng lahat ng legal na opsiyon para protektahan ang kanilang mga pamilya mula sa mga hindi makataong paghihiwalay. Bilang presidente, wawakasan ni Joe ang mga panloloob sa lugar ng trabaho at poprotektahan ang iba pang sensitibong lokasyon mula sa mga ipinapatupad na aksiyon sa imigrasyon. Walang dapat matakot na humingi ng medikal na tulong, o pumunta sa paaralan, kanilang trabaho, o kanilang lugar ng pagsamba dulot ng pangamba sa ipinapatupad na aksiyon sa imigrasyon.
Pasisiglahin ang Pagnenegosyo at Paglago ng Maliliit na Negosyo sa mga Komunidad ng mga AAPI. May halos dalawang milyong negosyo na pagmamay-ari ng mga AAPI sa buong Estados Unidos, na naghihikayat ng paglago ng ekonomiya at oportunidad sa buong bansa. Gayunman, madalas na nahihirapan ang marami sa mga negosyong ito dahil sa mga isyu tulad ng access sa pagpopondo at mga hadlang sa wika na nagpapakumplikado sa pag-unlad ng maliliit na negosyo para sa mga komunidad ng mga AAPI. Noong 2010, nilikha ng Administrasyong Obama-Biden ang State Small Business Credit Initiative (SSBCI) para suportahan ang maliliit na negosyo. Naglilipat ang programa ng mga pondo sa mga inisyatiba ng estado sa pagpapautang sa maliliit ng negosyo, na nagdadala ng $10 bilyon sa bagong pautang para sa bawat $1 bilyon sa mga pondo ng SSBCI. Papahabain ni Joe ang programa hanggang 2025 at dodoblehin ang pederal na pondo nito sa $3 bilyon, na magdadala ng halos $30 bilyon sa mga pamumuhunan ng pribadong sektor sa maliliit na negosyo sa kabuuan, partikular na sa mga pagmamay-ari ng mga babae at hindi caucasian. Papataasin ni Joe ang pagpopondo para sa badyet ng Minority Business Development Agency (Ahensiya ng Pagpapaunlad ng Negosyo ng Minoridad). At, magtatatag siya ng kumpetitibong programa ng gawad para maglaan ng $5 bilyong pondo sa mga estado para sa mga bagong startup na negosyo sa labas ng ating pinakamalalaking lungsod.
Aalisin ang mga Hadlang sa Wika para sa mga Komunidad ng mga AAPI Ang mga hadlang sa wika sa mahahalagang serbisyo at mapagkukunan ay nakakapigil sa mga AAPI na mahusay sa Ingles na maisakatuparan ang kanilang potensiyal at ang American Dream. Patitibayin ni Joe ang ginawa ng Administrasyong Obama-Biden, na nagtiyak na ang mga miyembro ng mga komunidad ng AAPI na may limitadong kahusayan sa Ingles ay may access sa pangangalagang pangkalusugan at iba pang serbisyo ng pamahalaan. Halimbawa, bumuo ang administrasyon ng mga video ng pakikipag-ugnayan na nasa mga wikang Chinese, Korean, Vietnamese, Burmese, Hmong, Khmer, at Lao para matiyak na nakikinabang ang mga miyembro ng mga komunidad na iyon sa mga benepisyo at saklaw sa kalusugan ng Affordable Care Act. Iaatas ni Joe sa kaniyang mga ahensiya na tumukoy ng mga paraan para mapataas ang access sa mga pederal na programa para sa mga AAPI na indibidwal at pamilya, kasama ang mga may limitadong kahusayan sa Ingles. Gagawa rin siya ng mga sentro ng mapagkukunan o mga sentrong tanggapan sa mga sambahayan para tulungan ang lahat ng residente na makahanap ng trabaho, magkaroon ng access sa mga serbisyo at oportunidad sa pag-aaral ng wikang Ingles, at makapagpasikot-sikot sa sistema ng paaralan, sistema ng pangangalagang pangkalusugan, at iba pang mahahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay. At, titiyakin niya na ang lahat ng pampublikong paaralan ay may sapat na suporta sa pag-aaral ng wikang Ingles para tulungan ang lahat ng bata na maabot ang kanilang potensiyal.
Papalakasin ang Karapatang Bumoto. Para sa humigit-kumulang 33 porsiyento ng mga AAPI na may limitadong kahusayan sa Ingles, ang kahirapan sa pagpapasikot-sikot sa buong proseso ng pagboto ay nananatiling kritikal na hadlang sa ganap na pagsasakatuparan ng mga pagpapahalaga ng ating demokrasya. Lubhang nababawasan ng hadlang na ito, kasama ng pagpapahina sa Voting Rights Act (Batas sa Mga Kaparatan sa Pagboto), ang pakikilahok ng mga komunidad ng mga hindi caucasian, kabilang ang komunidad ng mga AAPI, sa demokratikong proseso. Papalakasin ni Joe ang ating demokrasya sa pamamagitan ng paggarantiyang protektado ang boto ng bawat Amerikano. Magsisimula siya sa pagpapanumbalik ng Voting Rights Act at pagkatapos ay pagtiyak na tututulan ng Departamento ng Katarungan ang mga batas ng estado na pumipigil sa karapatang bumuto. Susuportahan niya ang awtomatikong pagpaparehistro ng botante, pagpaparehistro ng botante sa parehong araw, at iba pang hakbang para mas mapadali ang pagsasakatuparan ng karapatang bumoto ng isang tao. Susuportahan niya ang pagwawakas sa gerrymandering o pagmamanipula sa mga hangganan para sa politikal na interes at poprotektahan niya ang ating mga botohan at botante mula sa mga banyagang kapangyarihang naghahangad na pahinain ang ating demokrasya at makialam sa ating mga eleksiyon.
Susuriin ang mga Bahagi ng mga Datos para Magkamit ng Pantay-pantay na Representasyon. Ang pagsasama-sama ng mga datos sa komunidad ng mga AAPI ay hindi nakakatulong sa pagkakaiba-iba at mga pangangailangan ng mga AAPI. Naglabas ang Administrasyong Obama-Biden ng mga pinakamuhasay na kagawian para sa pagsusuri ng mga bahagi ng mga pederal na datos sa mga AAPI. Patatatagin ni Joe ang gawaing ito at titiyaking kinikilala at tinutugunan ng kaniyang administrasyon ang maraming pagsubok na kinakaharap ng iba't ibang komunidad ng AAPI.
Mamumuhunan sa ating mga Komunidad ng mga AAPI sa pamamagitan ng Pabahay. Bilang presidente, mamumuhunan si Joe ng $640 bilyon sa loob ng 10 taon upang magkaroon ng access ang komunidad ng mga AAPI sa pabahay na abot-kaya, matatag, ligtas at malusog, maa-access, mahusay sa paggamit ng enerhiya at matibay, at matatagpuan malapit sa magagandang paaralan at may makatwirang paraan ng pagpunta sa kanilang mga trabaho. Tutulungan niya ang mga AAPI na pamilya na makabili ng kanilang unang mga bahay at makapagpundar ng yaman sa pamamagitan ng paglikha ng bagong nare-refund at nai-a-advance na credit sa buwis na hanggang $15,000, at lilikha siya ng bagong credit sa buwis ng nangungupahan para makatulong sa mas maraming pamilyang may mababang kita. Bubuo si Joe ng bagong ahensiya sa pag-uulat ng pampublikong credit sa loob ng Consumer Financial Protection Bureau (Kagawaran ng Proteksiyon sa Pananalapi ng Mamimili) upang magbigay sa mga mamimili ng opsiyon mula sa pamahalaan na naglalayong mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay dahil sa lahi, halimbawa, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga algorithm na ginagamit sa credit scoring ay walang mapandiskriminang epekto, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga hindi tradisyonal na mapagkukunan ng datos tulad ng kasaysayan ng pangungupahan at mga bill sa utilidad para makapagtaguyod ng credit. Wawakasan niya ang redlining o pagtanggi ng serbisyo sa mahihirap na sektor at iba pang mapandiskrimina at hindi patas na kagawian sa merkado ng pabahay, kasama ang pagpapatupad ng batas para sa bagong Bill of Rights (Katipunan ng mga Karapatan) para sa May-ari ng Bahay at Nangungupahan, pagprotekta sa mga nangungupahan mula sa pagpapaalis, pagpapalakas at pagpapalawak ng Community Reinvestment Act (Batas sa Muling Pamumuhunan sa Komunidad) para matiyak na pinagsisilbihan ng mga bangko at iba pang institusyon sa pampinansiyal na serbisyo na hindi bangko ang mga komunidad ng mga AAPI, at pagpapairal ng Affirmatively Furthering Fair Housing Rule (Patakaran sa Pasulong na Pagtataguyod ng Makatarungang Pabahay) ng Administrasyong Obama-Biden. Bubuo rin siya ng $100 bilyong Affordable Housing Fund (Pondo sa Abot-Kayang Pabahay) upang magtayo at mag-upgrade ng abot-kayang pabahay at mamuhunan sa pagpapaunlad sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapalawak ng naiaangkop na pagpopondo para sa Community Development Block Grant nang $10 bilyon sa loob ng sampung taon.